SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Oo na, tama na kayo na sinuportahan at binoto niyo si Leni Robredo at ang kaniyang koalisyon noong nakaraang eleksyon. Tama na kayo na ginawa niyo ang lahat para mapigilan ang pagkakaluklok ni Bongbong Marcos bilang pangulo dahil magkakaroon ng kaguluhan sa sistemang politikal natin.
Sa pagpasok ng taong ito, bumungad sa ating lahat ang hidwaan sa pagitan nina Bongbong pati ang kaniyang mga kakampi sa politika at dating pangulong Duterte, pati rin ang kaniyang pamilya at mga alipores. Dahilan ito ng pagkakasulong ng charter change at ang umano’y kagustuhan ni Bongbong na payagan ang imbestigasyon ng ICC kay Duterte at ipakulong ang dating pangulo dahil sa kaniyang war on drugs.
Sa madaling salita, ang UniTeam na binuo noong eleksyon ay malinaw na nagwatak na dahil din sa politika. At para sa mga taong tulad mo na pinigilan ang pagkakataong ito sa pagboto kay Leni noong 2022, tama kayo kasi hindi si Bongbong ‘yung pinili niyo.
Pero alam niyo, ‘yung kinakahol niyong pagkatama eh nung 2022 pa. Halos dalawang taon na ang nakalipas, nakakulong pa rin kayo sa naratibong tama ‘yung ginawa niyo noong nakaraang eleksyon. Oo, sabihin na nating tama ‘yung pinili niyong kandidato; pero hindi na tama na patuloy niyong ipinagkakalandakang si Leni ‘yung pinili niyo at sinabihan niyo ‘yung ibang botante na huwag iboto si Bongbong.
Kasi sa simula’t sapul naman, hindi na patas ‘yung proseso ng eleksyon sapagkat kayang-kayang manipulahin ng mga politiko ‘yung mga botante para sila ‘yung iboto. Aminin man natin o hindi, ganyan ang ginawa ni Bongbong para manalo noong 2022 – gumawa siya ng naratibo na nagpabango sa pangalan niya na tatatak at mahirap alisin sa isip ng mga botante.
Sige, sabihin niyo nang kinausap niyo ‘yung mga kilala niyong sinuportahan si Bongbong at kinumbinsing huwag siyang iboto. Pero hindi nga agad patas sa lahat ‘yung eleksyon noong una pa lang; kaya kahit anong kahol niyo riyan, kailangan niyong tanggapin ‘yung katotohanang wala dapat sa mga botante ang sisi na si Bongbong ang nanalo at dapat ay nasa kaniya. Kasi sa simula pa lang, dinaan na ni Bongbong sa maruming taktika ang pagkapanalo sa eleksyon.
Kaya tumigil na kayo kakakahol sa ibang botante na tama nga kayo na huwag nilang iboto si Bongbong at tama kayong si Leni ‘yung pinili niyo.
Oo na, tama na kayo, pero wala naman tayong mapapala diyan sa huli. Kasi ano naman kung tama kayo? Congrats, ganon? Slow claps? Bigyan kayo ng certificate of recognition?
Sobrang baba lang kasi ng pag-iisip niyo na nakakulong pa rin kayo sa pagkatama niyo nung eleksyon. Nakakapangit din ‘yan ng tingin para sa ibang botante kasi nagmumukha kayong mayabang at mapang-insulto; baka hindi pa nila iboto ‘yung hinahangad natin dahil sa ugali niyo. Tsaka isa pa, mas mabuti pang ituon niyo ‘yung pansin niyo sa mga bagay na makabuluhan imbes na kumahol kayo nang kumahol.
Hindi niyo man lang ba naisip na malapit na ang susunod na eleksyon sa 2025? Mas mabuti pang ‘yung sigla niyong kumahol ngayon sa pagiging tama noong 2022 eh ilaan niyo para samantalahin ang sitwasyong watak ang mga nasa posisyon at kumbinsihin ang mga botante na iboto ang oposisyon.
Sa halip na pairalin niyo ‘yung pagiging makasarili niyo sa pagkahol na tama kayo, unti-unti ninyong ipakilala ang oposisyon sa madla. Unti-unti ninyong ipagpatuloy ang pagkilos tungo sa tapat at matinong pamamahala. Unti-unti ninyong buksan ang mata ng publiko sa katotohanang binabalot ang bansa natin ng problemang politikal na pinangungunahan ng mga makapangyarihan.
Kung tunay kang tumindig para sa tama noong 2022, hindi mo ito ipagyayabang at ibabalandra kung kani-kanino sa ano mang pagkakataon. Bagkus, ang pagtindig mo para sa tama noong 2022 ay dadalhin mo habang ang hinahangad mong bansang mapunta sa tama ay nananatiling nasa mali. Kung tumindig ka para sa tama noong 2022, patuloy at patuloy kang titindig para maitama ang mali.
Pero kung tumindig ka para sa tama noong 2022 at inilahad mo ito para lang patunayang tama ka nga, wala ka na sa tama. Napunta ka na sa mali. Dahil walang sino pa mang tunay na kumikilos para sa tama ang ipinapamukha sa iba na tama kayo at mali sila. Sa madaling salita, huwad ka na.
Oo, tama nga kayo noong 2022. Pero noong 2022 pa ‘yon. Kung hindi natin naitama rati, marami pa tayong pagkakataon para itama ito sa susunod. At dapat maitama natin ito sa mga susunod na taon.
Minsan, hindi mahalaga ang pagiging tama. Minsan, ang mahalaga ay ‘yung may ginagawa ka para maitama ‘yung baluktot na sistemang politikal ng bansa. Dahil sa dulo ng kwentong ito, iisa lang naman ang hangad nating mga Pilipino – ang magkaroon ng matinong gobyerno. – Rappler.com
Si Joshua Brian Buenviaje, 18, ay Grade 12 student ng Rizal National Science High School at miyembro ng kanilang paaralang pampahayagan.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.