Marcos Jr. administration

[EDITORIAL] Ang break-up Valentines ni Sara at Marcos

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang break-up Valentines ni Sara at Marcos

Nico Villarete

Masaya ang fireworks, pero kung susuriin, agawan ng kapangyarihan ito ng dalawang pinakamakapangyarihang dynasty. Iisa lang ang nasa crosshairs nila: ang pagpapalawig sa kapangyarihan.

Walang Happy Valentines sa pagitan ng dating magkatandem na si Bise Presidente Sara Duterte at Presidente Ferdinand Marcos Jr. Sa katunayan, isang mapait na break-up ang nag-a-unfold, at balot ito ng tampuhan, sumbatan, at sama ng loob. May isnaban pa ng mga ladies involved!

Walang sumipot na Duterte sa event ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Davao maliban sa talagang obligadong pumunta – si Bise Presidente Duterte.

Kapansin-pansin na wala ang mayor ng local government na ginanapan ng apat na event. Kung sa ibang bahagi ito ng Pilipinas, magkakandarapa ang mayor mag-asikaso sa Presidente. Well, hindi pala ganoon sa Kingdom of Davao. Sabi nga source ng Rappler, imbitado raw si Davao Mayor Baste Duterte, kapatid ni Sara, sa event ng Department of Tourism, pero nag-decline si Baste at hindi nagbigay ng dahilan. Ang taray, ‘di ba?

Nauna nang nanawagan si Baste na mag-resign si Marcos, kung wala naman daw itong pagmamahal sa bayan. Ang tatay niyang si Rodrigo Duterte, sinabing minsan daw ay nasa drug list si Marcos noong panahon niya, na kinontra naman ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency. Halos wala namang kumurap nang sabihin ito ni Digong dahil notoryus naman ang dating presidente sa pagna-narco-tag.

Kinabukasan, rumesbak naman si Marcos, at sinabing ang patuloy na paggamit ni Duterte ng fentanyl ang sigurong dahilan bakit kung ano-ano na lang ang sinasabi ng predecessor niya sa publiko. In other words, nasa fentanyl-induced alternative reality daw si Digong.

Marami nang senyales bago ang trip sa Davao ni Marcos na may divorce na nagaganap sa mga pinakamataas na pinuno ng bansa. Noong January 29, nagbanggaan ang rally ng dalawang pamilyang dating magsing-irog sa pulitika. Ang Bagong Pilipinas rally ni Marcos sa Maynila, may katapat na anti-charter change prayer rally sa Davao.

Bago ito, ibinasura ng Marcos-controlled Congress ang request ni Sara Duterte para sa confidential funds. Pero ang clincher, sinabi ni Marcos mismo na posibleng sumali muli ang Pilipinas sa International Criminal Court.

Saan nanggaling ang hugot ni Baste na kung walang pagmamahal sa Inang Bayan si Marcos ay mag-resign na lang? Balitang-balita kasing nakapasok sa bansa ang mga tao ng International Criminal Court na naglalayong imbestigahan ang extrajudicial killings na naging centerpiece policy ng nakaraang Duterte administration. Tahasan pa ngang nanumbat si Baste na ama niya ang nagbigay ng hero’s burial sa ama ni Marcos na si Ferdinand. O di ba, the plot thickens?

At mayroon pang isyung nakapitan ang mga Duterte na parang salbabida: ang Cha-Cha o charter change.

Biglang naging staunch defenders of the Constitution bigla ang mga Duterte, sampu ng mga kaalyado nitong tulad ni Davao Congressman Pantaleon Alvarez. (Hindi na out of the kulambo si Alvarez sa mga Duterte, take note.) Tinawag nga ito ng mga reporter ng Rappler na “desperate tactics.”

Pero sa lahat ng iringang ito, siyempre nag-overboard si Digong at nagpasabog na naman ng bagong pakulo: ang Mindanao independence.

Sa kasaysayan ng Mindanao, isa sa pinakamatingkad na yugto ang secessionist movement. Humantong ang social and cultural inequities laban sa mga Moro sa Mindanao sa pagnanais nilang magsarili ng kasarinlan. At sa katunayan, ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay bunga ng mahabang proseso ng pagtutuwid ng mga di pagkakapantay-pantay na ito.

Pero eto si Dutete, hina-hijack ang nabuong kapayapaan at otonomiya at pinapauso na naman ang secession. Pero wala namang pumatol sa obvious na obvious na personal niyang political play.

Sabi nga ni Camiguin Governor XJ Romualdo, puwedeng singilin si Duterte at Alvarez (na inatasan ni Duterte na mamuno sa “movement”) dahil may elemento na raw ito ng sedition. (Sinagot ito ni Alvarez sa isang panel dscussion sa Rappler at sinabing wala namang violence na sangkap.)

Masaya tayong nanonood sa bangayan – pero kung pag-iisipan natin, maraming trabaho ang dalawang pinuno na malamang ay nasa-sideline sa iringang ito. Hindi na nga expert sa education si Sara na may hawak ng education portfolio, madi-distract pa. Aba’y hindi biro ang learning poverty sa bansa – dahil saan tayo pupulutin kung napag-iwanan sa buong mundo ang mga Pilipinong produkto ng Philippine education? Ano ang kongkretong hakbang na ginagawa mo, Education Secretary Duterte, para baliktarin ito, maliban sa pagtanggal ng mga nakapaskil sa pader ng mga silid-aralan?

Eto namang si Marcos, maliban sa jet lagging dahil sa dami ng biyahe, kailan pa kaya siya makahahanap ng oras na upuan ang maraming problema ng bansa? Nag-improve nga ang inflation numbers pero hindi naman bumaba ang aktuwal na presyo ng mga bilihin, nag-stabilize lang.

At sa totoo lang, nasanay na lang tayo na ganito lang kakaunti ang nabibili ng kinikita natin. Mula nang naupo si Junior, malaki ang iniurong ng purchasing power ng mga Pilipino. Lagi na lang bang mamamaluktot dahil maikli ang kumot? 

Masaya ang fireworks, pero kung susuriin, agawan ng kapangyarihan ito ng dalawang pinakamakapangyarihang dynasty. Iisa lang ang nasa crosshairs nila: ang pagpapalawig sa kapangyarihan.

Sabi nga ng dating adviser to the peace process na si Ging Deles, marupok talaga ang transactional political alliances.

Hindi natatapos ang ambisyon ng mga Marcos sa pagpanalo sa 2022 elections at pag-re-rehabilitate ng pangalang Marcos sa internasyonal na entablado.

Kailangan nilang tiyaking friendly govenrment ang susunod na mauupo, kaya’t mahalagang ma-i-set up ang isa pang miyembro ng clan bilang susunod na pinuno – at ayon sa mga analyst, ito raw ang pinsan ni Marcos na si House Speaker Martin Romualdez. Unfortunately, hindi charismatic at winnable si Ginoong Romualdez sa masa, lalo na laban kay Sara. Kaya kailangang mag-Cha-Cha at mag-parliamentary system of government. (BASAHIN: Marcos’ disengagement from Duterte sets stage for 2025 showdown)

Pero hindi nangangahulugang hindi duserv ni Duterte na mapanagot sa mga krimen ng drug war. Huwag nating kalimutan ang tinatantiyang 27,000 na namatay sa karumal-dumal na drug war mula 2016-2022.

Habang divorce is in the air (at dini-dribble sa Lower House ang divorce bill), grab your popcorn dahil lalong umiinit pa ang divorce teleserye in town. Pero huwag kalilimutang ‘pag nag-uupakan ang mga Titans, tayong mga ordinaryong tao ang malamang matatapakan. – Rappler.com

1 comment

Sort by
  1. ET

    Tama: “Pero huwag kalilimutang ‘pag nag-uupakan ang mga Titans, tayong mga ordinaryong tao ang malamang matatapakan.” Doon sa Africa, ito ang kanilang kasabihan: “Kapag nag-aaway ang mga elepante, ang damo ang nagdurusa.” Sana hindi malaki at matindi ang ating pagdurusa.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!