MANILA, Philippines – Hindi dapat kinatatakutan ang libro. Ang mga libro ay pinagmumulan ng kaalaman, at nakatutulong ito sa pagpapalawak ng ating pananaw sa mundo.
Ngunit dahil sa impluwensiya at kapangyarihan ng mga salita, laganap ang pagbabanta sa ilang mga libro at manunulat.
Mula sa pagbaybay ng ating kasaysayan, bilang na rin ang mga pagkakataong itinuring bilang banta ang mga akdang mapanghamig – lalo na ang bumubunyag sa mga realidad ng lipunan. Makikita ito nang ipagbawal ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal noong sinakop ng mga Espanyol ang Pilipinas, gayundin ang The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos ni Primitivo Mijares noong panahon ng Batas Militar.
Kahit ngayong 2022, may mga libro pa ring ipinagbabawal. Nito lamang Agosto, ipinag-utos ng mga komisyoner ng Komisyon ng Wikang Pilipino (KWF) sa Sentro para sa Wika at Kultura na itigil ang paglimbag ng mga aklat na sinasabing naglalaman ng “political, subversive and creative literary works with subliminal ideologies that encourage to fight the government.”
Ano ang nakababahala dito? Bakit ito patuloy na umiiral? Paano natin ito masosolusyonan?
Pag-usapan natin ito sa “#CourageON: Bakit nakababahala ang pagbabawal ng libro?” sa darating na Miyerkoles, Setyembre 14, alas-kuwatro ng hapon.
Para sa ating talakayan, makakasama natin ang mga sumusunod na tagapagsalita:
- Edita Burgos – human rights advocate
- Rommel Rodriguez – awtor, Kalatas: Mga Kuwentong Bayan At Kuwentong Buhay
- Julie Po – may-ari, Popular Bookstore
Ang community show na ito ay inorganisa ng MovePH kasama ang Friedrich Naumann Foundation for Freedom; Foundation for Media Alternatives; K4 Kilos na para sa Kalusugan, Kabuhayan, at Karapatan; National Council of Churches in the Philippines; at Project Gunita.
Layon ng programang ito na bigyang pansin ang mga iba’t-ibang isyu sa Pilipinas at ilatag ang mga hakbang para sa sama-samang pagkilos para sa mga ito. – Rappler.com
How does this make you feel?