Nitong June 21, na-terminate ang dalawang channel ni Apollo Quiboloy sa YouTube. Ito’y matapos magreklamo ang isang YouTube gamer.
Sabi ni Mutahar “Muta” Anas: “Actual human trafficking priest is running a channel still reaching out to victims less than 12 hours ago. Dude has an FBI warrant out rn (right now).”
Sa likod ng mga kasong laban kay Quiboloy ang kalunos-lunos na kuwento ng mga babaeng narekluta sa kanyang simbahan – ang ilan sa kanila menor de edad – na umano’y pinuwersang makipag-sex sa kanya bilang “night duty.”
Sabi ng Google, ang parent company ng YouTube, ito ay committed na mag-comply “with applicable US sanctions laws.” Pinapalakpakan namin ang Google at YouTube dahil sa aksiyong ito.
Pero ito’y largely symbolic sa kasalukuyan dahil ang content ni Quiboloy ay patuloy na umeere sa YouTube channel ng kanyang mala-kultong simbahan – ang Kingdom of Jesus Christ o KOJC.
Bukod dito, namamayagpag pa rin ang content ni Quiboloy sa Facebook at Twitter!
Sa pinakahuling balita, nananawagan sa META at Twitter ang mga cause-oriented groups sa abroad na sundan ang ehemplo ng Google at YouTube.
Naniniwala ba si Pastor Quiboloy sa karma? Siguro hindi dahil supling ng diyos ang tingin niya sa sarili niya.
Pero may karma – at may iba itong pangalan sa modernong lipunan – katarungan.
Ang aksiyon ng YouTube ay direktang resulta ng serye ng mga pangyayaring nagsimula sa act of courage o katapangan ng mga babaeng kumibo – silang ninakawan ng buhay at identity.
Pekeng pastor, pekeng simbahan, at pekeng news network. Ginawa na ng mga biktima ang papel nila upang ma-expose si Quiboloy at ang KOJC.
Ito na ang hudyat sa platforms na tanggalan ng access ang makapangyarihang aparato ng panloloko at pang-aabuso ni Quiboloy sa social media. – Rappler.com
BASAHIN: [EDITORIAL] Tanggalin sa social media ang pekeng pastor, pekeng simbahan, pekeng news network
How does this make you feel?