Iniimbestigahan na ng Senado ang Cebu Pacific kaugnay ng napapadalas na biglaan- at walang-paliwanag na pagkansela ng flights.
Sinilip ng Senado ang mga ulat ng umano’y overbooking, offloading, at booking glitches ng budget airline ng mga Gokongwei.
Ang layon ng imbestigasyon: Itulak ang Civil Aeronautics Board at ang Department of Tourism na tugunan ang mga reklamong ito at makahanap ng paraan na mabayaran ang mga naabalang pasahero.
Ang gobyerno, dapat higpitan ang regulasyon sa airline companies – iyan ay kung may regulasyon pa ngang ipinatutupad.
Ang lumalabas, overbooking ang nangyayari.
Ayon kay Senador Nancy Binay, kalakaran talaga sa aviation industry ang mag-overbook. Maaaring sa pananaw ng airlines, negosyo lang ang sa kanila, basta kumita.
Kung walang pakialam ang Cebu Pacific, PAL, AirAsia, at iba pang airline sa interest ng mamamayan, ng pasahero, hindi sila dapat pagkatiwalaan ng prangkisa mula sa gobyerno.
Kung sa kabila ng reklamo ng mga pasahero at imbestigasyon ng Senado ay magbibingi-bingihan ang mga kinauukulan, isang lengguwahe lang naman ang kanilang pakikinggan: boto.
Nitong 2022, may 22.5 milyon na domestic passengers sa Pilipinas.
Iyan ang potensiyal na bilang ng mga pasahero na maaaring maapektuhan ng pasumpong-sumpong na galaw ng mga airlines. Bilang din ito ng posibleng mga botante na mabubuwisit sa gobyerno na sa kanila ay hindi sasaklolo. — Rappler.com
BASAHIN: [EDITORIAL] Panagutin ang mga airline, hindi na puwedeng sorry na lang!
How does this make you feel?