crimes in the Philippines

[EDITORIAL] Hustisya sa Jemboy case: Tinimbang ka ngunit kulang

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Hustisya sa Jemboy case: Tinimbang ka ngunit kulang

Nico Villarete

Ang tanging mensahe ng Jemboy verdict ay ito: iwasan ninyo ang mga parak dahil kumakalabit muna sila ng gatilyo bago magtanong

Iyon lang po ba ang halaga ng buhay ng anak ko? ‘Yan ang tanong ng ina ni Jemboy Baltazar sa hatol na ibinaba sa anim na pulis na bumaril sa binatilyong anak niya.

Apat na taong kaparusahan para sa homicide ang pinakamabigat na naging verdict sa isang akusado. Ang lima ay laya na. 

Tinawag ni Senadora Risa Hontiveros ang hatol na “slap on the wrist.” Dagdag pa niya, “This does not assure the family or the public that there is no impunity.”

Sabi ng Rappler reporter na si Jairo Bolledo, nakabantay ang marami sa Jemboy verdict dahil isa ito sa pinakamalaking kaso ng police brutality. Maaari sana itong naging landmark case ng police brutality, isang signpost ng mas makatarungang pagpapatupad ng batas.

Pero hindi ito naging landmark case dahil tulad ng sinabi ni Senadora Hontiveros, hindi nito binabasag ang persepsiyon na may impunity sa bansa.

Nasayang ang pagkakataong iparating ang mensaheng seryoso ang ating justice system na burahin ang impunity sa bansa.

Nasayang ang pagkakataong sabihin sa maralitang tagalungsod na hindi kayo latak ng lipunan at pangangalagaan ng pamahalaan ang inyong karapatang pantao.

Nasayang ang pagkakataong sabihin sa mga magulang ni Jemboy na bagamat hindi maibabalik ang buhay niya, may sistemang magpapataw ng karampatang parusa sa mga pumatay sa kanya.

Nasayang ang pagkakataong sabihin sa napakaraming kamag-anak ng mga biktima ng extrajudicial killings o EJK, na, tingnan ninyo, may pag-asa pa dahil gumana ang hustisya.

Ang tanging mensahe ng Jemboy verdict ay ito: iwasan ‘nyo ang mga parak dahil kumakalabit muna sila ng gatilyo bago magtanong. 

Iwasan ninyo ang pulisya dahil kakampihan nila ang kanilang kabaro laban sa mga taong dapat ay kanilang pinaglilingkuran.

Iwasan ninyo ang mga pulis dahil palpak, inutil, at incompetent sila. At ‘yan ang pinakadelikado – ang incompetent na alagad ng batas na may baril.

Sa Jemboy case, muling tinimbang ang hustisya sa bansa at lumalabas na kulang na kulang ito. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!