NTF-ELCAC

[EDITORIAL] Pikon ang NTF-ELCAC matapos mabuking ang fake surrender

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Pikon ang NTF-ELCAC matapos mabuking ang fake surrender

Nico Villarete

Bakit patuloy ang impunity ng NTF-ELCAC na magsagawa ng mga pandurukot?

Ano’ng tawag sa tao o grupong nagsampa ng kaso matapos itong mabigong palabasin na sumurender ang dalawang aktibista? ‘Di ba, pikon?

Backgrounder: Inireport na missing sina Jhed Tamano at Jonila Castro noong Setyembre 2, 2023. Ang dalawa ay aktibo sa kampanya laban sa reclamation projects sa Bataan at naghahanda para sa isang relief operation nang sila’y damputin ng isang van. Tsinelas at sandals na lang ang naiwang bakas ng mga aktibista. Makalipas ang 13 araw, naglabas ng pahayag ang militar na “sumuko” raw ang dalawang aktibista at sila’y “safe and sound.”

Sabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, “Hindi sila in-abduct. Umalis sila sa kilusan.” 

Pero mabuti na lang at buo ang loob ng dalawang aktibista. Sa presscon na ipinatawag ng militar, matapang na idineklara ng mga dating estudyante ng Bulacan State University ang ginawa sa kanila: una, dinukot sila, at pangalawa, ipinapalabas na sumuko sila. (Salamat nga pala sa pag-o-organize ng presscon, mga ginoo!)

Sabi ni Lian Buan sa kanyang report, may lumilitaw na pattern ng “fake surrender” kung saan ang dinukot ay pinapag-execute ng affidavit na nagsasaad ng kanyang pagtatakwil sa kilusang kaliwa. Pagkatapos nito’y ginagamit siyang asset, o di kaya’y patatahimikin na lang nang malayo sa mga dating kasama sa pakikibaka. (BASAHIN: In pattern of ‘fake surrenders,’ 1 case links abduction to military intel service)

Sabi ni Tamano, “Hindi lang kami ‘yung mga nawawala.” Maraming dokumentadong kaso ng forced surrenders. Sina Armand Dayoha at Dyan Gumanao ay dinukot sa Cebu noong Enero 2023. Ang kaso nina Dayoha at Gumano, at Tamano at Castro ang ika-labintatlo at ika-labing-apat na forced surrenders sa bansa. Maituturing na “masuwerte” sila dahil nakabalik pa sila sa mundo nang buhay. Mula 1986, halos 2,000 aktibista na ang desaparecidos.

Last time we checked, ang abduction ay may karampatang parusang reclusion perpetua to death kapag tumagal ito nang higit sa limang araw. Hindi bababa sa 13 araw – at maaari pa ngang ituring na umabot nang 17 days – ang itinagal ng kidnapping ng dalawang kabataan.

Bakit patuloy ang impunity ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na magsagawa ng mga abduction? Bakit nagpapatuloy ang isang grupong binuo ni dating pangulong Rodrigo Duterte na maghasik ng lagim at magsagawa ng criminal acts – kahit nangako ang kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tatalima ang kanyang administrasyon sa rule of law?

Napapanahon nang i-abolish ang NTF-ELCAC, at isang United Nations rapporteur na mismo ang nagrekomenda nito.

Sabi ni UN Special Rapporteur on Freedom of Expression and Opinion Irene Khan, ang NTF-ELCAC daw ay “no longer applicable in the current context.”

Sa madaling salita, obsolete. Sa totoo lang, marami pang mas compelling na argumento kaysa diyan. Walang puwang sa gobyerno ang isang sangay na lantarang sumusuway sa batas. Walang puwang sa lipunan ang task force na ito maliban sa fentanyl-driven delusions ni Duterte. Walang puwang ang isang NTF-ELCAC sa panahon ni Marcos na nais ibalik ang Pilipinas sa mapa ng mga sibilisadong bansang walang dugong umaagos sa lansangan. 

Bigyan ng katarungan ang mga dinukot at desaparecidos – pero ang unang hakbang ay buwagin ang makinaryang patuloy na dumudukot sa mga aktibista. Itigil na ang kahibangan. 

Itigil na rin ang harassment lawsuits laban sa mga aktibista dahil ito’y napahiya at naglagay sa military “in a bad light” – ayon na rin sa sarili nitong pag-amin. Kudos na lang sa Commission on Human Rights na nag-iimbestiga sa kaso at nagbuo ng quick response operations sa kasagsagan ng pagkawala ng dalawa. Kudos sa Korte Suprema na mabilis na natantong nasa panganib ang mga laya nang aktibista at ginawaran sila ng dalawang writ para sa kanilang proteksiyon.

Ang kaso, narito naman ang Office of the Solicitor General na pinamumunuan ng dating Duterte justice secretary na si Menardo Guevarra. HIndi pa raw tapos ang laban at pinare-recall niya sa Korte Suprema ang temporary protection sa dalawa. Haaay, malakas talaga ang kapit ng Duterte network sa gobyerno!

Itigil na ang tirang pikon. Lalo lang nahuhubaran ang kainutilan at jurassic na pag-iisip ng NTF-ELCAC. Lalo lang lumilinaw na invested ang military sa pananatili ng imahe nito, pero hindi sa pagtatanggol ng karapatang-pantao. I-abolish na ang NTF-ELCAC. – Rappler 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!